--Ads--

Agad na inaksyunan ng Philippine Coast Guard ang naiulat na malawakang oil spill sa karagatang sakop ng Dinapigue, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Vicente Mendoza ng Dinapigue, sinabi nitong nagtangka sanang magsagawa ng aktuwal na inspeksyon ang Coast Guard kahapon, Agosto 25, ngunit napilitan itong ihinto dahil sa malalakas na alon dulot ng habagat.

Dahil dito, drone muna ang ginamit ng Coast Guard upang mamonitor at maimbestigahan ang oil spill.

Ayon kay Mayor Mendoza, ngayong bumuti na ang lagay ng panahon, nakatakda namang magsagawa ng aktuwal na inspeksyon ang mga awtoridad upang matukoy ang lawak at posibleng pinagmulan ng langis.

--Ads--

Aniya, patuloy ding bineberipika ang isang mining vessel na pinaghihinalaang maaaring may kaugnayan sa oil spill dahil ito umano ang barkong nakikitang pumupunta sa naturang lugar.

Samantala, sinabi ni Mayor Mendoza na wala umanong kagamitan ang Coast Guard para direktang i-retrieve ang kumalat na langis.

Sa halip, patuloy muna itong minomonitor upang matukoy kung saan patungo ang oil spill upang agad na mabigyan ng babala ang mga residenteng posibleng maapektuhan.

Ayon pa sa alkalde, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagtala ang kanilang bayan ng ganito kalawak na insidente ng oil spill.

Iginiit nito na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng langis, basura at iba pang contaminated materials sa karagatan kaya kinakailangang mahigpit na mamonitor ang mga vessel, partikular ang mga mining vessel.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung sadyang itinapon ang langis o kung nagmula ito sa pagtagas mula sa isang vessel.

Kung mapatutunayang may lumabag sa batas, maaari umanong itong managot dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng contaminated materials sa karagatan.

Samantala, pinaalalahanan ni Mayor Mendoza ang publiko, partikular ang mga residente sa lugar, na agad ireport sa mga kinauukulan, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources o DENR at Philippine Coast Guard, ang anumang makikitang posibleng pinagmulan o may kaugnayan sa oil spill upang agad itong maimbestigahan at mapanagot ang responsable.