--Ads--

Inireklamo ng ilang residente ang matataas na talahib sa paligid ng sports complex sa Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela dahil maaari itong maging panganib sa kaligtasan ng mga mamamayang namamasyal sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob ng nasabing barangay, sinabi nitong nahihirapan silang agad na linisin ang mga bahaging napapaligiran ng makakapal at matataas na talahib dahil sa dami ng mga ito.

Dahil dito, humiling na ang barangay council ng paggamit ng grader upang mapabilis ang paglilinis. Gayunman, mas nais pa rin nilang gumamit ng grass cutter upang mapanatili ang mga luntiang bahagi ng paligid, habang iniiwasan naman ang paggamit ng spray na maaaring magkaroon ng masamang epekto sa mga alagang hayop.

Sinimulan na rin umano noong nakaraang linggo ang paglilinis sa mga bahagi ng sports complex na may mga blind spot, kung saan mabilis tumubo ang mga talahib.

--Ads--

Nilinaw naman ni Kgawad Acob na wala pa silang naitatalang aksidente o anumang insidente na may kaugnayan sa matataas na talahib sa lugar.

Patuloy rin ang pagroronda ng mga barangay tanod at BFP personnel upang matiyak ang kaligtasan ng mga namamasyal.

Samantala, pinaalalahanan ni Kagawad Acob ang publiko na mag-ingat, lalo na sa gabi, dahil hindi pa gumagana ang mga streetlight sa mga daanan papasok at palabas ng sports complex.

May kabuuang 141 solar streetlights naman ang nakatakdang ikabit at paandarin sa lugar na, batay sa impormasyong natanggap ng barangay mula sa lokal na pamahalaan, ay inaasahang maisasakatuparan bago mag-Disyembre.