Patay ang hindi bababa sa apat na sibilyan, kabilang ang isang dalawang buwang gulang na sanggol na babae, habang 17 iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng mga pampasabog malapit sa isang military base sa Planadas, southern Colombia, nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 1.
Tinamaan ng pag-atake ang lugar malapit sa General Domingo Caicedo Infantry Battalion sa lalawigan ng Tolima, kung saan nagdulot ang sunod-sunod na pagsabog ng malaking pinsala sa mga kalapit na kabahayan at isang lokal na ospital.
Batay sa paunang ulat, isang dump truck na kargado ng mga pampasabog at mga improvised rocket na gawa sa silindro ng gas ang ginamit sa pag-atake. Iniimbestigahan din ang posibilidad na may kinalaman ang mga drone sa insidente.
Kinondena naman ng mga lokal na opisyal ang naturang pag-atake dahil nalagay sa panganib ang mga sibilyan at maging ang mga pasilidad na nagbibigay ng serbisyong medikal.
Agad namang rumesponde ang mga emergency personnel upang tulungan ang mga nasugatan, habang ang ilan sa mga biktima ay inilipat sa iba pang pagamutan.
Kasunod nito, nangako si Colombian President Abelardo de la Espriella na paiigtingin ang operasyong militar laban sa mga armadong grupong kriminal sa bansa.
Sa ngayon, hindi pa opisyal na natutukoy ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pambobomba habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga security forces sa lugar.











