--Ads--

Nangako si Senate Finance Committee Chairman Senador JV Ejercito na isusulong ang pagbabalik ng ₱130 bilyong kaltas sa pondo ng foreign-assisted projects (FAPs) sa panukalang 2027 national budget upang maiwasan ang pagkaantala ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura.

Kabilang dito ang North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway System na pinopondohan sa pamamagitan ng foreign loans.

Iginiit ni Ejercito na kailangang tuparin ng pamahalaan ang mga obligasyon nito sa foreign lending institutions at tiyaking maibibigay ang katapat na pondo para sa mga proyekto.

Mula sa orihinal na ₱414 bilyong alokasyon, nasa ₱284 bilyon na lamang ang inilaan para sa FAPs sa bersyon ng House of Representatives.

--Ads--

Nangako rin ang senador na isusulong ang pagbabalik ng pondo para sa PhilHealth at ang pagpapataas ng budget ng Department of Education sa hindi bababa sa apat na porsiyento ng gross domestic product ng bansa.

Samantala, tiniyak niyang magiging mahigpit ang Senado sa pagsusuri ng mga budget insertion at hihingi ng certificate of implementability at pag-apruba ng Regional Development Council upang matiyak na maisasakatuparan ang mga proyektong pagkakagastusan ng pondo.