Hinimok ng Malacañang ang publiko, partikular ang mga residente sa Mindanao, na agad isumbong sa mga awtoridad ang mga indibidwal o negosyong pinaghihinalaang sangkot sa pagpupuslit at ilegal na pagbebenta ng sigarilyo sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bagama’t nagpapatuloy ang mga operasyon ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), mayroon pa ring mga smuggled na sigarilyong nakalulusot sa mga awtoridad.
Binigyang-diin ni Castro na malaking kawalan sa kaban ng bayan ang naturang ilegal na kalakalan dahil hindi nababayaran ang kaukulang buwis na dapat sana ay nakokolekta ng pamahalaan.
Inihalintulad pa niya sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ang smuggling dahil napagkakaitan ang gobyerno ng kita na maaaring gamitin sa mga serbisyong pampubliko.
Kasabay nito, hinikayat niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na kalakalan.
Ginawa ni Castro ang pahayag kasunod ng sunod-sunod na pagkakasabat ng milyun-milyong pisong halaga ng mga smuggled na sigarilyo at iba pang kontrabando sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, sa mga operasyong isinagawa ng mga awtoridad.











