Pansamantalang magsasara bukas, Nobyembre 5, ang Cauayan City Public Library upang bigyang-daan ang pagsasanay ng lahat ng kawani nito sa Isabela Museum and Library sa City of Ilagan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Diane Jean Gammad, Librarian II ng Cauayan City Public Library, sinabi niyang kauna-unahang pagkakataon na sabay-sabay na dadalo sa naturang pagsasanay ang lahat ng kanilang kawani upang magkaroon ng sapat na kaalaman sa paggamit ng STARBOOKS at maibahagi ito sa mga library user.
Tampok sa pagsasanay ang STARBOOKS o Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Station, isang digital library na binuo ng Department of Science and Technology–Science and Technology Information Institute (DOST-STII).
Naglalaman ito ng mga digital na materyales na may kaugnayan sa agham at teknolohiya na maaaring magamit ng mga mag-aaral, mananaliksik at iba pang library user sa kanilang pag-aaral at pananaliksik.
Inaasahang makatutulong ang naturang sistema upang mapalawak ang access sa mga impormasyon at mapahusay ang serbisyong ipinagkakaloob ng aklatan sa publiko.





