Posibleng ituloy ng International Criminal Court (ICC) ang confirmation of charges hearing laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit hindi ito madakip.
Ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, pinapayagan ng Rome Statute ang pagsasagawa ng confirmation of charges hearing kahit wala ang akusado kung hindi ito matagpuan o umiiwas sa pag-aresto.
Bilang halimbawa, binanggit ni Conti ang kaso ni Ugandan warlord Joseph Kony na isinailalim sa confirmation of charges hearing noong Setyembre 2025 kahit hindi ito natutunton ng mga awtoridad.
Gayunman, kinakailangang may abogadong kakatawan sa akusado at dapat aprubahan ng mga hukom ng ICC Pre-Trial Chamber ang naturang hakbang.
Sinabi rin ni Conti na mahalaga para sa mga biktima ng drug war ang anumang pag-usad ng kaso upang hindi na sila patuloy na maghintay sa proseso ng hustisya.
Matatandaang naglabas ang ICC ng arrest warrant laban kay Dela Rosa noong Mayo kaugnay ng kaniyang umano’y papel bilang indirect co-perpetrator sa drug war noong panahon ng administrasyong Duterte.











