--Ads--

Nag-waive o kusang tinalikuran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang karapatang dumalo sa status conference ng kasong crimes against humanity na kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC) sa Lunes, Nobyembre 2, 2026.

Inaprubahan ng Trial Chamber III ng ICC ang kahilingan ng dating pangulo na hindi na personal na dumalo sa naturang pagdinig.

Sa kabila ng kaniyang pagliban, maaari pa ring katawanin si Duterte ng kaniyang mga abogado na siyang haharap sa mga usaping may kaugnayan sa pagpapatuloy ng kaso.

Mahalagang bahagi ng proseso ang status conference upang talakayin ang mga usaping may kaugnayan sa paghahanda at takbo ng paglilitis, kabilang ang mga kinakailangang hakbang bago magsimula ang aktuwal na trial.

--Ads--

Matatandaang noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong bilang ng murder bilang crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra ilegal na droga noong alkalde pa siya ng Davao City at bilang pangulo ng bansa.