--Ads--

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ngayong Nobyembre 5 ang Cauayan City Digital 360 at Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Application sa Isabela Convention Center upang mapabilis ang pamamahala ng impormasyon at pagtugon sa mga emergency at kalamidad.

Ayon kay Mayor Caesar Jaycee Dy Jr., layon ng mga digital platform na mapahusay ang pagpaplano, pamamahala at paghahatid ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Gagamitin ang Cauayan City Digital 360 bilang information at spatial analytics platform na nagtatampok ng Geographic Information System o GIS, drone imagery at digital mapping para sa mas detalyadong pagsusuri sa mga lugar, imprastraktura at posibleng lawak ng pinsala tuwing may kalamidad.

Samantala, sa pamamagitan ng DRRM Application, maaaring mag-report ang mga residente ng mga insidente tulad ng aksidente, pagbaha at iba pang emergency, kabilang ang pagpapadala ng larawan at video upang mas maagang malaman ng mga responder ang sitwasyon.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Christian Mendoza Felix, Officer-In-Charge ng Cauayan City Police Station, makatutulong ang sistema sa pagpapabilis ng police response at pagpapabuti ng koordinasyon ng mga pulis at iba pang emergency personnel.

Sa pamamagitan ng mas mabilis na pagpapalitan ng impormasyon, mas maagang matutukoy ng mga awtoridad ang lokasyon at pangangailangan sa bawat insidente.

Layunin ng lokal na pamahalaan na higit pang mapalakas ang digital governance at kahandaan ng lungsod sa pagtugon sa mga emergency at kalamidad.