--Ads--

Arestado sa Florida, United States ang 82-anyos na si Thomas Markle, ama ni Meghan Markle na asawa ni Prince Harry ng Britain, dahil sa kasong pag-iingat umano ng child sexual abuse materials o pornograpiyang kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Ayon kay FBI Director Kash Patel, dinakip si Markle ng mga pederal na awtoridad kaugnay ng umano’y pagtatago ng mga larawan ng mga batang menor de edad na walang damit, kabilang ang mga kuhang nagpapakita mismo sa kaniya kasama ang mga ito.

Batay sa pahayag ng mga federal prosecutor sa Central District of California, nahaharap si Markle sa isang bilang ng kasong possession of child pornography. Inaasahan siyang haharap sa korte sa Tampa, Florida.

Sa isinagawang paghahalughog ng mga awtoridad sa dalawang storage unit na inuupahan ni Markle sa Los Angeles, nakumpiska ang tinatayang 78 na materyales, kabilang ang mga photographic slides, 35-millimeter film negatives at mga aklat na naglalaman umano ng child pornography.

--Ads--

Sinimulan ng FBI ang imbestigasyon noong Oktubre matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang testigo na nakadiskubre umano ng mga kahina-hinalang materyales sa mga gamit ni Markle sa Pilipinas.

Nauna nang nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang mga awtoridad sa Pilipinas kaugnay ng mga alegasyon laban sa kaniya. Samantala, mariing itinanggi ni Markle ang mga paratang nang unang lumutang ang isyu.

Kung mapatutunayang nagkasala, maaari siyang maharap sa hanggang 20 taong pagkakakulong sa ilalim ng pederal na batas ng Estados Unidos.