Napabilang sa Most Wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos ang anak ng isang alkalde sa Iloilo matapos umano itong masangkot sa pandarayang nagkakahalaga ng mahigit ₱39.9 milyon na nakaapekto sa halos 2,000 mamumuhunan.
Kinilala ang suspek na si Rey Grabato II, anak ni Mina, Iloilo Mayor Rey Grabato. Ayon sa FBI, nahaharap siya sa mga kasong conspiracy to commit securities fraud, securities fraud, wire fraud, at conspiracy to defraud the United States kaugnay ng mga usaping buwis.
Batay sa imbestigasyon, bilang presidente at mayoryang may-ari ng National Realty Investment Advisors LLC (NRIA), umano’y maling ipinakita ni Grabato II at ng iba pa ang halaga ng investment fund ng kumpanya upang makahikayat ng mga mamumuhunan mula 2018 hanggang 2022. Tinatayang mahigit $650,000 o halos ₱39.9 milyon ang nalugi sa naturang scheme.
Iniuugnay rin siya ng FBI sa hiwalay na plano upang hadlangan ang paniningil ng US Internal Revenue Service (IRS) sa tinatayang $26 milyong hindi nabayarang buwis. Dahil dito, naglabas ang isang pederal na hukuman ng warrant of arrest laban sa kanya noong Oktubre 2022.
Nag-alok naman ang FBI ng gantimpalang hanggang $150,000 o humigit-kumulang ₱9.2 milyon para sa impormasyong magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Samantala, sinabi ng pamilya ni Grabato II na wala pa silang natatanggap na opisyal na abiso o legal na proseso kaugnay ng kaso. Iginiit din nila na si Grabato II ay kasalukuyang nagpapagaling matapos ma-stroke at nanawagan sila ng paggalang sa due process habang nagpapatuloy ang usapin.









