--Ads--

Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista laban sa basta-bastang paggawa at paggamit ng improvised o temporary license plates nang walang kaukulang pahintulot mula sa ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Venancio Tuddao ng LTO Region 2, ipinaliwanag nito na pinapayagan lamang ang paggamit ng improvised plate sa mga sasakyang nawalan, nasiraan o hindi pa natatanggap ang kanilang regular na plaka, basta dumaan sa itinakdang proseso.

Ayon kay Tuddao, kailangang mag-apply muna ang may-ari ng sasakyan para sa duplicate o replacement plate at kumuha ng authorization mula sa kinauukulang tanggapan ng LTO.

Habang hinihintay ang opisyal na plaka, maaari silang gumamit ng improvised plate na sumusunod sa itinakdang format, kabilang ang paglalagay ng assigned plate number at markang “Improvised Plate.”

--Ads--

Mayroon ding kaukulang panuntunan para sa mga bagong sasakyan na hindi pa naibibigay ang aktuwal na plaka. Hindi nangangahulugang maaari nang basta gumawa ng sariling plaka ang mga motorista.

Sa ilalim ng umiiral na regulasyon, maaaring patawan ng ₱5,000 na multa at kumpiskahin ang hindi awtorisadong plaka bilang paglabag sa mga patakaran sa paggamit ng license plate.

Aniya sa kabila ng mga paalala ng tanggapan ay may mga nahuhuli pa ring gumagamit ng iligal o hindi otorisado na mga plaka.

Dahil dito, pinapayuhan ng LTO ang mga motorista na tiyaking kumpleto ang kanilang dokumento at may kaukulang pahintulot upang maiwasan ang abala at posibleng paglabag sa batas.