--Ads--

Inihayag ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na patuloy ang paghahanda para sa pagpapatupad muli ng No Contact Apprehension Policy o NCAP sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo, sinabi niyang tinalakay sa isinagawang committee hearing ang mga posibleng multa at parusa para sa mga mahuhuling lalabag sa batas-trapiko.

Ayon kay Delmendo, isa sa mga inisyal na panukala ang pagpapataw ng P1,000 na multa sa first offense, P3,000 sa second offense, at P5,000 sa third at mga susunod pang paglabag.

Gayunman, nilinaw niyang magkakaroon pa ng mga karagdagang pagdinig dahil nasa second reading pa lamang ang ordinansa at hindi pa pinal ang mga probisyong nakapaloob dito.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na pinag-aaralan pa ng konseho ang magiging sistema ng pagpapataw ng multa, lalo na kung maraming camera ang makakakuha ng iisang speeding violation ng isang motorista sa magkakasunod na lokasyon.

Aniya, nais nilang malinaw kung paano hahawakan ang mga ganitong sitwasyon upang maiwasan ang hindi makatarungang pagdoble o pagpatong-patong ng mga multa depende sa dami ng camera na nakakuha ng paglabag.

Isa rin sa tinalakay ang mga motoristang gumagamit ng sasakyang hindi nakarehistro sa kanilang pangalan. Kapag napadalhan ng notice of violation ang rehistradong may-ari, maaari umano itong maghain ng protesta upang ang aktuwal na gumamit ng sasakyan ang mapatawan ng multa.

Tiniyak ni Delmendo na pag-aaralan ito ng konseho at mga concerned agencies upang maging malinaw ang proseso at maiwasan ang aberya sa implementasyon ng NCAP.

Matatandaang unang ipinatupad ang NCAP sa Cauayan City noong 2021, na naging unang lungsod sa Cagayan Valley na gumamit ng naturang sistema.

Noong Enero 2022, pansamantalang ipinahinto ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad upang bigyan ng panahon ang mga motorista na makapag-adjust sa sistema matapos umanong mabigla ang ilan sa implementasyon. Nagpatupad din noon ng warning period bago ang pagpapataw ng kaukulang penalty.

Nang sumunod na taon, natigil naman ang pagpapatupad matapos maglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order o TRO noong Agosto 2022 laban sa NCAP ng mga lokal na pamahalaan. Kasama sa ipinahinto ng TRO ang panghuhuli sa pamamagitan ng NCAP at pagbibigay ng impormasyon ng mga motorista mula sa Land Transportation Office sa mga nagpapatupad na LGU.

Noong Hulyo 2026, ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa NCAP sa Metro Manila at inalis ang dating TRO matapos maging moot ang mga isyu dahil sa pagkakaroon ng bagong traffic enforcement framework sa Metro Manila.

Sa Cauayan City, muling pinag-aaralan ngayon ang mga probisyon ng NCAP bago ito tuluyang ipatupad, kabilang ang mga multa, proseso ng protesta, seguridad ng datos at privacy ng mga motorista, at ang paraan ng pagtukoy sa aktuwal na lumabag sa batas-trapiko.