--Ads--

Iginiit ng mga awtoridad sa Cauayan City na patuloy ang kanilang pagsisikap na alisin ang mga road obstruction, partikular ang mga 10-wheeler truck na nakahambalang sa mga lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarico Mallillin, sinabi niyang naalis na ang ilan sa mga road obstruction na kanilang tinutugunan. Gayunman, mayroon pa ring mga aksidenteng nagaganap, lalo na sa gabi.

Aniya, hindi dapat agad sisihin ang mga pulis o POSD personnel, lalo na kung naisagawa na nila ang mga hakbang upang alisin ang mga sagabal sa kalsada at maiwasan ang mga aksidente.

Kabilang sa mga posibleng dahilan ng mga insidente ang human error o pagkakamali ng tao. Gayunman, mahalagang matukoy sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon ang tunay na sanhi ng bawat aksidente upang malaman kung may iba pang salik na nagdudulot ng mga ito.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Mallillin ang kahalagahan ng pag-iingat ng mga motorista, lalo na sa gabi, kung kailan maaaring limitado ang visibility o kakayahang makita ang mga panganib sa daan.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na panatilihin ang ligtas na bilis sa pagmamaneho, maging mapagmatyag sa kanilang paligid, at palaging sumunod sa mga batas-trapiko.

Patuloy rin ang mga kinauukulan sa pagpapaalala sa publiko na iwasang mag-iwan ng mga sasakyan o anumang bagay na nagsisilbing sagabal sa kalsada upang hindi malagay sa panganib ang mga motorista at iba pang gumagamit ng lansangan.