--Ads--

Kinuwestiyon ng mga manggagawa sa Cauayan City ang pagiging realistic ng ₱22 food threshold kada kainan na ginagamit sa pagtukoy ng minimum na pangangailangan sa pagkain ng mga Pilipino, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Naging usapin ito matapos kuwestiyunin ni Professor Malou Tiquia ang halagang ibinatay sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA at Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev.

Batay sa 2024 poverty statistics ng PSA, nasa ₱9,581 kada buwan ang food threshold para sa pamilyang may limang miyembro, katumbas ng humigit-kumulang ₱64 kada tao bawat araw o mahigit ₱21 kada kainan kung hahatiin sa tatlong beses na pagkain.

Giit ni Tiquia, kung ₱22 lamang ang ilalaan sa bawat kainan, aabot sa ₱66 ang pang-araw-araw na gastusin sa pagkain, habang ₱96 naman ang poverty threshold kada tao bawat araw batay sa 2025 Official Poverty Statistics ng PSA.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rhainhild Martinez, isang street vendor sa lungsod, sinabi nitong mahirap pagkasyahin ang naturang halaga para sa isang kainan, lalo na sa kasalukuyang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.

Bilang isang street vendor, batid umano ni Martinez ang hirap ng pagbabadyet upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan sa limitadong kita.

‎Samantala, ibinahagi naman ni ginoong Bryan Vallo, isang tricycle driver sa Cauayan City, na malaking konsiderasyon sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang gastusin sa pagkain, lalo na’t nakabatay sa araw-araw na pamamasada ang kanilang kinikita.