--Ads--

Tinatayang 12.8 porsyento ng mga Pilipino ang nakaranas ng iba’t ibang anyo ng kahirapan noong 2024, ayon sa unang Multidimensional Poverty Index o MPI ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Batay sa datos mula sa Community-Based Monitoring System, nasa 0.045 ang national MPI sa indibidwal na antas. Sa household level naman, 12.4 porsyento ng mga kabahayan ang itinuturing na multidimensionally poor, na may MPI na 0.042.

Sinusukat ng MPI ang kahirapan hindi lamang batay sa kita kundi pati sa access sa edukasyon, trabaho, kalusugan at nutrisyon, pabahay, tubig at sanitasyon.

Pinakakaraniwang hamon ang edukasyon, partikular ang hindi pagtatapos ng high school ng maraming nasa hustong gulang. Kabilang din sa malalaking problema ang pabahay, tubig at sanitasyon.

--Ads--

Ayon kay Department of Economy, Planning and Development Secretary Arsenio Balisacan, makatutulong ang MPI upang matukoy kung saan pinakamalaki ang pangangailangan at mas maitugma ang mga programa ng pamahalaan.

Nauna nang iniulat ng PSA na bumaba sa 9.7 porsyento ang poverty incidence sa bansa noong 2025, pinakamababa sa kasaysayan.