--Ads--

Umabot sa 149 overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait at Saudi Arabia ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng tatlong repatriation flights sa gitna ng nagpapatuloy na sitwasyon sa Middle East.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), 37 OFWs mula Kuwait ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Ethiopian Airlines Flight ET644 bandang alas-6 ng gabi nitong Sabado, Nobyembre 7.

Sinundan ito ng pagdating ng 74 OFWs mula Riyadh, Saudi Arabia, sakay ng Qatar Airways Flight QR928 bandang alas-9 ng gabi. Nauna namang dumating noong Biyernes ang 38 OFWs mula sa kaparehong lungsod.

Pagdating sa bansa, agad na nagbigay ang OWWA ng food at financial assistance, gayundin ng transportasyon para sa mga OFW na kailangang bumiyahe pauwi sa kanilang mga lalawigan. Naglaan din ito ng pansamantalang matutuluyan para sa mga nangangailangan.

--Ads--

Tumulong din ang Medical Assistance and Immediate Response Assistance Team at mga Regional Welfare Office ng OWWA sa National Capital Region, Region III at Region IV-A upang matiyak ang maayos na pagtanggap sa mga repatriated OFW.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang OWWA sa Department of Migrant Workers (DMW), Philippine Embassy at mga Migrant Workers Office sa Middle East upang matulungan ang iba pang OFW na nais makauwi sa Pilipinas.