--Ads--

Nasa 93,000 ektarya na ng sakahan ang napadaluyan ng tubig ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) mula sa kabuuang 95,000 ektarya nitong operational area.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering Operations ng NIA-MARIIS, tiniyak nitong mapatutubigan ang kabuuang 78,531 ektaryang kabilang sa programmed area para sa dry cropping season.

Bukod dito, may ilang sakahan sa mga tail-end area na napaglaanan din ng tubig dahil sa mga pag-ulang naranasan nitong mga nakaraang buwan.

Kabilang naman sa mga vulnerable area na nahihirapang maabot ng patubig ang Roxas, Quirino, Reina Mercedes, Naguilian at Angadanan sa Isabela.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nasa 35,600 ektarya o 45 porsiyento pa lamang ng programmed area ang natamnan batay sa datos noong Nobyembre 9.

Ayon kay Bermudez, pinaaga na ng NIA-MARIIS ang cropping calendar at pagpapadaloy ng tubig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.

Gayunman, binalaan ang mga magsasaka na posibleng mahirapan sa suplay ng patubig pagsapit ng Enero 2027 kung sa Disyembre pa lamang sila magsisimulang magtanim.

Samantala, humiling na rin ang NIA-MARIIS sa Department of Agriculture at Bureau of Soils and Water Management na magsagawa ng cloud seeding na target maisakatuparan sa Disyembre.

Bumaba na rin ang inflow sa Magat watershed dahil sa kakulangan ng pag-ulan. Alas 8:00 kaninang umaga, nasa 188.05 meters above sea level ang water elevation ng Magat Dam, mas mababa sa itinakdang rule curve.