--Ads--

Sumailalim sa orientation at profiling ang nasa 2,800 indibidwal sa Santiago City bilang bahagi ng pagpapatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela Field Office sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Danstan Bautista Jr., Labor and Employment II at TUPAD Focal Person ng DOLE Isabela Field Office, sinabi nitong layunin ng aktibidad na masuri ang kalagayan ng mga aplikante at matukoy kung sinu-sino ang kwalipikadong mabigyan ng pansamantalang trabaho.

Ayon kay Bautista, ipinaliwanag sa orientation ang layunin ng programa, mga prosesong kailangang pagdaanan at responsibilidad ng mga posibleng benepisyaryo.

Kasunod nito ang profiling upang matiyak na ang mga mapipili ay tunay na nangangailangan ng pansamantalang pagkakakitaan at nakatutugon sa mga kwalipikasyon ng programa.

--Ads--

Sa ilalim ng TUPAD, maaaring italaga ang mga benepisyaryo sa mga community-based projects tulad ng paglilinis ng kapaligiran at mga pampublikong lugar, kapalit ng pansamantalang kita.

Nilinaw naman na hindi awtomatikong mapapabilang sa programa ang lahat ng sumailalim sa orientation at profiling dahil nakabatay pa rin sa resulta ng pagsusuri at beripikasyon ang pagpili sa mga kwalipikadong benepisyaryo.