--Ads--

Matapos ang ilang buwang pagpaplano at pagtutok ng tracking team, matagumpay na naaresto noong Nobyembre 8 sa Mulanay, Quezon ang isang 30-anyos na lalaki na kabilang sa Most Wanted Persons ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagpatay sa isang pulis sa Cabarroguis, Quirino.

Kinilala ang suspek na si alyas “Sandia,” isang laborer at tubong Mulanay, Quezon na kasalukuyang naninirahan sa Cabarroguis, Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Alex Orbill, Chief of Police ng Cabarroguis Police Station, sinabi nitong bumuo sila ng tracking team upang matunton ang suspek at maisilbi ang warrant of arrest laban dito.

Ayon kay PMaj. Orbill, matagal ang naging pagpaplano at paghahanda sa operasyon bago naging matagumpay ang pagsisilbi ng warrant noong Nobyembre 8 sa Mulanay, Quezon.

--Ads--

Dinakip ang suspek kaugnay ng kasong homicide.

Nag-ugat ang kaso sa pagkamatay ni Police Senior Master Sergeant Zaldy Castillo Dela Peña, 42-anyos, na nakatalaga sa Quirino Police Provincial Office, matapos saksakin noong Hulyo 31, 2026 sa isang sari-sari store sa Barangay San Marcos, Cabarroguis.

Ayon sa imbestigasyon, dumating umano sa tindahan ang dalawang lalaki na kinilalang alyas “Marlon” at “Sandia” upang bumili ng alak at nagpatuloy sa pag-inom sa lugar. Nang sitahin sila ng may-ari dahil sa kanilang maingay na pag-uugali at paglabag umano sa curfew, nagkaroon ng komosyon.

Sinubukan umanong awatin ni PSMS Dela Peña ang dalawa, subalit bumunot umano ng kutsilyo si alyas “Sandia” at sinaksak ang pulis sa kaliwang bahagi ng katawan, malapit sa kili-kili.

Agad na isinugod sa Quirino Provincial Medical Center ang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa hypovolemic shock bunsod ng matinding pagkawala ng dugo.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cabarroguis Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.