--Ads--

Sumailalim sa pagsasanay ang mga opisyal at barangay tanod ng District 1 sa Cauayan City hinggil sa wastong paggamit ng decibel meter bilang bahagi ng paghihigpit laban sa mga motorsiklong gumagamit ng maingay na modified muffler.

Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng mga kawani ng Cauayan City Police Station sa paanyaya ni paanyaya ni Barangay Captain Marc De Joya ng District 1.

Kabilang sa itinuro ni PCapt. Pancho Cortez ng PNP Cauayan ang wastong posisyon sa pagsukat at paggamit ng fast at slow settings ng decibel meter.

Ipinaliwanag na sa fast setting ay mas mabilis tumutugon ang aparato sa pagbabago ng ingay, habang mas mabagal at mas steady naman ang pagpapakita ng reading sa slow setting. Magkaiba lamang ang paraan ng pagtugon ng aparato sa pagbabago ng tunog at hindi ang itinakdang limitasyon ng ingay.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Cortez, hindi dapat lumampas sa 99 decibels ang ingay ng tambutso kapag sinusukat habang nasa 2,000 hanggang 2,500 revolutions per minute o RPM ang makina ng motorsiklo.

Anya, ang reading na 99 decibels pababa ay pasok sa itinakdang noise limit, habang ang lalampas dito ay hindi na pumapasa sa pamantayan.

Gayunman, nilinaw din na hindi nangangahulugang awtomatikong legal ang isang modified muffler kapag pumasa ito sa decibel test dahil kailangan ding sumunod ang mga piyesa at modification sa umiiral na regulasyon para sa mga sasakyan.

Sa ngayon, District 1 pa lamang sa buong Cauayan City ang nagsagawa ng naturang pagsasanay kasunod ng napansing patuloy na paggamit ng ilang motorista ng maingay na tambutso sa kanilang nasasakupan.

Matatandaang mayroon nang Barangay Ordinance No. 004, Series of 2011 ang Barangay District 1 na nagbabawal sa paggamit ng mga tambutsong naglalabas ng labis na ingay.

Samantala, sinabi ng pulisya na umiiral din sa buong lungsod ang pagbabawal sa maingay na muffler kung saan nagpapatuloy ang pagsasagawa ng mga checkpoint at pagpapatrolya upang mahuli ang mga lumalabag.

Tinatayang aabot pa sa 50 araw ang proseso ng pagrerebisa sa ordinansa ng barangay, kabilang ang planong pagdaragdag ng mga decibel meter upang mas mapalawak ang kanilang monitoring.

Gayunman, sinimulan na kahapon, Nobyembre 11 ang pagbabantay gamit ang kasalukuyang umiiral na ordinansa habang inaayos pa ang mga pagbabago rito.