--Ads--

Isa katao ang nasawi at mahigit sampu ang nasugatan matapos gumuho ang isang tatlong-palapag na gusali sa Flatbush neighborhood sa Brooklyn, New York City nitong Miyerkules ng hapon.

Nangyari ang insidente dakong alas-4 ng hapon kung saan tuluyang bumagsak ang gusaling may mga establisimyento at residential units.

Makikita sa mga kuhang video ang mga bumbero na nag-aahon sa ilang indibidwal mula sa tambak na debris at inilalagay ang mga ito sa stretcher upang maisugod sa pagamutan.

Umabot sa tinatayang 250 tauhan ng Fire Department at Emergency Medical Services ang ipinadala sa lugar upang magsagawa ng rescue operations.

--Ads--

Ayon kay New York City Mayor Zohran Mamdani, mabilis na kumikilos ang mga emergency responders upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at matulungan ang mga naapektuhan.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga posibleng naipit o nawawala sa ilalim ng mga guho.

Patuloy ang search and rescue operations habang iniimbestigahan ang sanhi ng pagguho ng gusali.