--Ads--

Idinepensa ng Malacañang ang P22.9 bilyong alokasyon para sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit and Related Summits sa gitna ng pagkukumpara nito sa ginastos ng mga nakaraang administrasyon.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pa maaaring iham­bing ang kasalukuyang gastos sa mga nagdaang ASEAN hosting dahil hindi pa tapos ang summit at wala pang pinal na ulat sa kabuuang nagastos.

Ipinaliwanag ni Castro na kabilang sa mga paghahanda ang mga pangunahing hosting activities sa Cebu noong Mayo at sa Metro Manila nitong Nobyembre, gayundin ang pag-upgrade ng mga pasilidad sa PICC, Coconut Palace, World Trade Center at iba pang imprastraktura sa Cebu.

Kasama rin aniya sa ginastusan ang mga pagpapahusay sa mga paliparan, tulad ng general aviation facilities, aircraft apron, airport road lighting at VIP lounges.

--Ads--

Binigyang-diin ni Castro na mas mahalagang tingnan ang mga proyektong naisakatuparan at mga benepisyong maibibigay ng ASEAN hosting kaysa ikumpara lamang ang kabuuang halaga ng nagastos.

Tiniyak naman ng Palasyo na handa ang pamahalaan na ipa-audit at ilahad sa publiko ang lahat ng naging gastusin kaugnay ng ASEAN Summit upang matiyak ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.