Nagsasagawa na ng clearing operations ang pamahalaan bilang bahagi ng paghahanda sa seguridad para sa mga lider ng iba’t ibang bansa na dadalo sa ika-49 ASEAN Summit sa Pilipinas sa susunod na linggo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, halos 20 heads of state ang inaasahang dadalo sa pagtitipon kaya kinakailangang matiyak ang kanilang seguridad.
Kaugnay nito, pansamantalang hindi pinapayagang magtinda ang mga vendor sa ilang lugar sa Pasay at Parañaque City habang isinasagawa ang summit.
Bilang tulong sa mga maaapektuhang vendor, namahagi ang Department of Social Welfare and Development–NCR ng family food packs at pinansyal na ayuda sa tinatayang 30 vendor sa Pasay bilang kabayaran sa inaasahang pagkawala ng kanilang kita.
Samantala, sinabi ni Castro na inaasahang magbubukas ng oportunidad sa negosyo, kalakalan, pamumuhunan at trabaho ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.
Hinimok din niya ang publiko na ipahayag ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan bago o pagkatapos ng summit at iwasang itapat ang mga protesta sa pagdating ng mga dayuhang delegado.
Matatandaang nakatakda ang ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng isang araw na transport strike ang grupong PISTON sa Nobyembre 16, kasabay ng pagbubukas ng summit at pagdating ni US President Donald Trump.
Tiniyak naman ng Malacañang na tutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan sa pampublikong transportasyon sa panahon ng kilos-protesta.











