Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines upang palakasin ang work immersion program ng mga senior high school students at mas maihanda sila sa paghahanap ng trabaho matapos ang Grade 12.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong mabigyan ang mga mag-aaral ng praktikal na karanasan at mapataas ang kanilang oportunidad na agad makahanap ng trabaho. Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DepEd sa mga industry partners para sa mga work immersion placement.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 023, Series of 2026, mandatory ang work immersion para sa mga nasa Technical-Professional Track, na kailangang sumailalim sa 320 hanggang 640 oras na pagsasanay, depende sa kapasidad ng paaralan.
Mananatili namang optional ito para sa mga nasa Academic Track, na maaari ring kumuha ng 80-oras na Field Exposure elective. Kasama rin sa programa ang Arts Apprenticeship para sa mga nais pumasok sa larangan ng sining at media.
Paalala ng DepEd, hindi dapat gamitin ang mga estudyante bilang libreng manggagawa. Limitado rin sa walong oras kada araw at limang araw kada linggo ang kanilang work immersion activities.
Ipapatupad ang bagong guidelines sa mga paaralang kabilang sa SSHS pilot implementation sa School Year 2026–2027, bago ito palawakin sa iba pang senior high school sa 2027.








