Isinailalim sa ground stop ang lahat ng paliparan sa Estados Unidos sa utos umano ng Federal Aviation Command Center dahil sa mga hindi pangkaraniwang pangyayari at safety concerns.
Sa ilalim ng kautusan, kinakailangang manatili muna sa lupa ang lahat ng eroplanong nakatakdang lumipad hanggang sa maglabas ng panibagong abiso ang mga awtoridad.
Samantala, isa-isang susuriin ang mga papasok na international flights upang matukoy kung maaari silang makapasok at makalapag sa bansa.
Bumaba sa 1,000 ang bilang ng mga eroplanong patungo sa mga paliparan sa Estados Unidos, halos 80 porsiyentong mas mababa kumpara sa mahigit 4,500 flights na naitala sa kaparehong oras noong nakaraang linggo.
Batay sa datos ng flight-tracking service na Flightradar24, malaking pagbaba ito sa bilang ng mga paparating na flight habang nagpapatuloy ang nationwide ground stop na ipinatupad ng Federal Aviation Administration (FAA).
Sa ilalim ng naturang kautusan, pansamantalang pinatitigil ang mga flight operation sa mga paliparan sa buong bansa dahil sa mga alalahanin sa kaligtasan.
Wala pa namang inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa dahilan ng pagpapatupad ng ground stop at kung hanggang kailan ito mananatili.







