Nagpahayag ng suporta at pagkilala sa kahalagahan ng Dugong Bombo 2026 sina dating Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Atty. Silvestre Bello III at mga kasapi ng Alpha Phi Omega dahil sa malaking tulong nito sa mga kababayang nangangailangan ng dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Silvestre Bello III, sinabi nitong mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng dugo sa mga blood bank dahil maraming indibidwal ang nangangailangan nito, partikular sa mga emergency situation.
Aniya, naging malinaw ang kahalagahan ng pagkakaroon ng nakaimbak na dugo noong panahon ng COVID-19 pandemic, kung kailan marami ang nangangailangan ng blood transfusion. Dahil dito, mahalaga umanong magkaroon ng sapat na stock upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.
Pinuri rin ni Bello ang Bombo Radyo Philippines sa patuloy na pagsasagawa ng mga programang nakatuon sa pagtulong at paglilingkod sa publiko.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Betty Abuan Jr. ng Alpha Phi Omega-Metro Cauayan Isabela Alumni Association, sinabi nitong mahalaga ang blood donation dahil higit sa lahat, nakatutulong ito sa pagliligtas at pagdugtong ng buhay ng ibang tao.
Ayon kay Abuan, bagama’t marami ang boluntaryong nagbibigay ng dugo, mas marami pa rin ang nangangailangan nito kaya umaasa silang madoble o matriple pa ang bilang ng mga blood donors sa mga susunod na Dugong Bombo bloodletting activities.
Ibinahagi rin niyang matagal nang bahagi ng mga aktibidad ng kanilang organisasyon ang blood donation, na sinimulan pa noong sila ay nasa kolehiyo at ipinagpatuloy hanggang sa pagiging alumni.
Aniya, bahagi ito ng kanilang adhikain bilang Alpha Phi Omega na nakasentro sa leadership, friendship, and service, kung saan kabilang ang paglilingkod sa komunidad.











