--Ads--

Matagumpay na nakapangalap ng halos 10 drums ng dugo ang Bombo Radyo Philippines sa isinagawang Dugong Bombo 2026 na may temang “A Little Pain, A Life to Gain” noong Nobyembre 14, 2026 sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa kabuuang tala, umabot sa 1,964,250 cubic centimeters o katumbas ng halos 1,964 litro ng dugo ang nakolekta mula sa 4,365 matagumpay na blood donors sa buong Pilipinas.

Isinagawa ang nationwide bloodletting activity sa pakikipagtulungan ng Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. at Philippine Red Cross, katuwang ang iba’t ibang local government units, civic at community organizations, volunteers at iba pang partner groups.

Ayon sa Bombo Radyo Philippines, makatutulong ang nakolektang dugo upang madagdagan ang suplay sa mga blood bank at matugunan ang patuloy na pangangailangan para sa blood transfusion at iba pang emergency medical needs.

--Ads--

Nagpasalamat naman ang Bombo Radyo Philippines sa lahat ng matagumpay na nag-donate ng dugo, gayundin sa mga nagparehistro ngunit hindi nakapasa sa medical screening, at sa lahat ng naging bahagi ng aktibidad.

Binigyang-diin din ng organisasyon na higit pa sa isang blood donation drive ang Dugong Bombo dahil sumasalamin ito sa diwa ng malasakit, pagkakawanggawa at bayanihan, kung saan bawat donasyon ay maaaring maging pag-asa at panibagong pagkakataon upang makapagligtas ng buhay.