--Ads--

Nagpaalala ang Philippine Red Cross Isabela sa mga blood donor na ihanda ang kanilang sarili bago ang isasagawang Dugong Bombo 2026 upang matiyak na ligtas at maayos ang proseso ng pagdo-donate ng dugo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joyce Kristin Mye Blas, Quality Assurance Officer ng Philippine Red Cross Isabela, sinabi niyang kailangang magkaroon ng lima hanggang anim na oras na sapat na tulog, kumain ng masustansyang pagkain gaya ng kanin at hard-boiled egg, at uminom ng sapat na tubig bago ang donasyon.

Pinaalalahanan din ang mga donor na iwasan muna ang pag-inom ng alak 12 hanggang 24 na oras bago mag-donate at huwag mag-fasting. Kung kakain ng fatty foods, pinapayuhang gawin ito nang isa hanggang dalawang oras bago ang donasyon.

Ayon kay Blas, kinakailangan ding nasa edad 18 hanggang 65 taong gulang at may timbang na hindi bababa sa 50 kilo ang mga donor.

--Ads--

Para naman sa mga senior citizen, pinapayagan ang mga may dating blood donation history kung kwalipikado pa rin, habang hindi pinapayagang mag-donate ang mga edad 55 pataas na wala pang karanasan sa pagdo-donate.

Ilan sa mga karaniwang dahilan ng pagka-defer sa donor ay kakulangan sa tulog, pag-inom ng alak, pagkakaroon ng ubo at sipon, menstruation, at pagkakaroon ng tattoo o ear piercing na wala pang isang taon. Gayunman, nakadepende sa pagsusuri ng physician kung maaari pa ring makapag-donate ang mga may ubo o sipon.

Pagkatapos ng blood donation, pinapayuhan ang mga donor na magpahinga, iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay, magkaroon ng sapat na tulog, at umiwas sa pag-inom ng alak sa loob ng 24 oras.

Target ng Philippine Red Cross Isabela na makalikom ng mahigit 200 blood bags sa Dugong Bombo 2026. Tiniyak naman ni Blas na maayos na maisasagawa ang proseso ng pagdo-donate ng dugo na karaniwang tumatagal ng 20 hanggang 30 minuto.