Hinikayat ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon ang publiko na makibahagi sa taunang bloodletting project na “Dugong Bombo 2026” ng Bombo Radyo Philippines at Star FM na mahigit dalawang dekada nang isinasagawa sa bansa.
Ayon kay Gordon, nagsisilbing matibay na katuwang ng Red Cross ang naturang programa sa pagtiyak ng sapat na suplay ng dugo, lalo na sa mga panahong nakararanas ng kakulangan ang mga blood bank.
Binigyang-diin ng opisyal na malaking tulong ang malawakang saklaw ng aktibidad na sabayang idaraos sa 25 pangunahing lugar sa buong bansa sa pangunguna ng 32 himpilan ng Bombo Radyo at Star FM.
Kaugnay nito, pinuri ni Gordon ang mga blood donor na tinawag niyang mga “bayani ng makabagong panahon” dahil sa kanilang walang sawang pakikiisa sa mga proyektong nagliligtas ng buhay.
Ipinaalala rin niya na ang bawat patak ng dugong ibinabahagi ay maaaring makapagdulot ng panibagong pag-asa at makapagliligtas ng buhay ng kaanak, kaibigan, o maging ng mga hindi kakilala sa oras ng emergency at malubhang karamdaman.











