--Ads--

Pinagmulta ng Italian regulators ng €805 million o katumbas ng 887 million dollars ang social media giant na Meta dahil sa pag-access sa mga larawan at video ng Android users nang walang hiwalay at malinaw na pahintulot mula sa mga ito.

Ayon sa Italy’s Data Protection Authority, tinatayang 20 million smartphone users ang hindi sapat na naabisuhan na maaaring ma-access ng Facebook ang kanilang mga larawan at video sa pamamagitan ng isang feature ng application na nagmumungkahi ng mga larawan para sa kanilang mga post.

Binigyan ng 60 araw ang Meta upang gawing naka-disable bilang default ang naturang feature at humingi ng hiwalay na pahintulot sa mga gagamit nito.

Samantala, sinabi ng Meta na hindi ito sang-ayon sa naging desisyon ng regulator at planong iapela ang multa. Iginiit ng kumpanya na kinakailangan pa rin ang pahintulot ng users sa kanilang device bago magamit ang naturang feature at maaari nila itong baguhin anumang oras sa settings.

--Ads--

Isa ito sa pinakamalalaking multang ipinataw ng Italian authorities laban sa isang technology company, kasunod din ng naunang multang ipinataw sa Meta sa Estados Unidos dahil sa umano’y maling paghawak nito sa data ng mga gumagamit ng Facebook.