Kinumpirma ng Hamas ang pagkasawi ng commander ng kanilang Rafah Brigade matapos ang isinagawang airstrike ng Israel sa Southern Gaza Strip.
Ang nasawi ay kinilalang si Samir Abu Younis, alyas Abu Mahmoud, na tinamaan ng airstrike sa Khan Younis area.
Ayon sa Israeli military, nagsagawa sila ng pag-atake makalipas ang hatinggabi laban sa isang senior commander ng Hamas military wing, subalit hindi pa nito kinukumpirma ang pagkakakilanlan ng nasabing opisyal.
Si Abu Younis ang pumalit sa dating commander ng Rafah Brigade na si Nael Abu Obeid na napatay rin sa pag-atake ng Israel noong Setyembre.
Bago nito, napatay din ang naunang pinuno ng brigade na si Muhammad Shabana noong May 13, 2025, sa isang airstrike sa isang ospital na ikinasawi rin ng lider ng Hamas na si Mohammad Sinwar.
Sa pahayag ng Hamas, beteranong commander umano si Abu Younis na sumapi sa Al-Qassam Brigades noong 1991 at unti-unting umangat sa hanay ng grupo.
Kabilang din umano siya sa mga pangunahing opisyal na tumulong sa pagpaplano at pangangasiwa ng pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023.











