--Ads--

Walong indibidwal, kabilang ang dalawang menor de edad, ang inaresto matapos maaktuhang nagsasagawa umano ng ilegal na pagsusugal sa pamamagitan ng pustahan sa billiards sa Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, isinagawa ang operasyon bandang alas-10:30 ng gabi nitong Nobyembre 14 matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y ilegal na pagsusugal sa lugar.

Pagdating ng mga operatiba, nadatnan ang grupo na naglalaro ng billiards na may kasamang pustahan na lokal na tinatawag na “10 balls.”

Kabilang sa mga naaresto ang dalawang menor de edad na edad 15 at 16-anyos at anim na nasa hustong gulang na edad 18 hanggang 52-anyos na pawang mula sa Cauayan City at mga karatig-bayan sa Isabela.

--Ads--

Sa paunang imbestigasyon, isa sa mga suspek ang umano’y nagsilbing tagapag-ayos ng laro at may-ari ng lugar, habang ang iba ay mga manlalaro at tumataya sa naturang laro.

Nakumpiska sa operasyon ang dalawang billiards table, mga bola, 11 cue stick, iba pang kagamitan sa billiards, mga tournament signage at perang ginagamit umano sa pustahan na nagkakahalaga ng ₱4,811.

Dinala ang mga naaresto at nakumpiskang ebidensya sa Cauayan Component City Police Station para sa karagdagang imbestigasyon.

Sumailalim din sa medical examination ang mga suspek sa Cauayan District Hospital, habang isinailalim sa kaukulang proseso ang dalawang menor de edad sa tulong ng kanilang mga magulang at ng Women and Children Protection Desk.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng pulisya ang walong indibidwal habang iniimbestigahan dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree 1602 o batas laban sa ilegal na pagsusugal.