--Ads--

Inaasahang maglalabas ng desisyon ang Makati Regional Trial Court (RTC) sa petisyon para sa extradition o pagpapadala sa Estados Unidos kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy sa loob ng 30 araw mula sa paghahain ng huling pleading o pagtatapos ng anumang clarificatory hearing.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez, summary in nature ang extradition proceedings kaya hindi kinakailangang magsagawa ng mga pagdinig dahil maaari nang magpasya ang korte batay lamang sa mga dokumentong isinumite ng magkabilang panig.

Ipinaliwanag ni Vasquez na kabilang sa mga tutukuyin ng korte kung saklaw ng Extradition Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy sa dalawang bansa at kung naaayon ang mga ito sa umiiral na batas sa extradition ng Pilipinas.

Dapat ding matukoy kung ang mga indibidwal na nakasaad sa extradition petition ay siya ring mga taong nahaharap sa kaso sa Estados Unidos at kung natutugunan ang prinsipyo ng “dual criminality,” o kung krimen ang mga isinampang alegasyon sa parehong bansa.

--Ads--

Dagdag pa ng opisyal, nakapaglabas na ang korte ng mga judicial extradition warrant matapos matukoy ang probable cause, dahilan upang magpatuloy ang proseso.

Saklaw din ng extradition petition ang mga kapwa akusado ni Quiboloy na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag. Nahaharap ang mga ito sa mga kasong may kaugnayan sa international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling sa Estados Unidos.

Samantala, sinabi ni Vasquez na may dalawang posibleng hakbang na maaaring gawin ng pamahalaan habang dinidinig ang extradition case.

Maaaring pansamantalang isuko sa kustodiya ng Estados Unidos ang mga respondent upang maipagpatuloy ang mga kasong kinahaharap nila roon, habang ipinagpapaliban muna ang kaukulang proseso sa Pilipinas.

Maaari rin namang hindi muna ipatupad ang extradition order at ipagpatuloy ang mga kasong kinahaharap ng mga ito sa bansa, depende sa magiging pasya ng korte at sa magiging konsiderasyon ng pamahalaan sa prayoridad ng mga paglilitis.