--Ads--

Pinag-uusapan ng Pilipinas at Japan ang pagpapalawak ng kanilang kooperasyon sa pag-iimbak at pagbabahagi ng suplay ng langis bilang paghahanda sa posibleng krisis sa enerhiya sa rehiyon.

Naging sentro ito ng talakayan sa ika-apat na Asia Zero Emission Community (AZEC) Leaders’ Meeting sa Maynila, na pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi.

Sa naturang pagpupulong, iminungkahi ni Takaichi ang pagbuo ng Asia Oil Security Task Force katuwang ang International Energy Agency at Economic Research Institute for ASEAN and East Asia.

Layunin nitong maglatag ng mga patakaran para sa pagpapalabas at paglilipat ng reserbang langis sa mga bansang nangangailangan nito sa panahon ng emergency.

--Ads--

Inialok din ng Japan ang paggamit sa mga bakante nitong pasilidad sa pag-iimbak ng langis bilang suporta sa panukalang pagtatatag ng regional oil reserve sa Asya.

Samantala, sinabi ni Marcos na pinabibilis na ng pamahalaan ang pagbuo ng sariling strategic petroleum reserve ng bansa upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng langis.

Hinimok din niya ang pagpapalawak ng pamumuhunan sa renewable energy, natural gas, energy storage, modernisasyon ng power grid at nuclear power.

Target ng Pilipinas na madagdagan ng hindi bababa sa 25 gigawatts ang renewable energy capacity nito pagsapit ng 2035 at umabot sa 50 porsiyento ang bahagi ng renewable energy sa kabuuang produksyon ng kuryente sa 2040.