Apat na poste ng kuryente ng Nueva Vizcaya Electric Cooperative (NUVELCO) ang natumba matapos salpukin ng isang truck sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kinasangkutan ang isang puting Howo Max Sino truck na may plakang NLA 4457, na minamaneho ni Richmond Cadaba Patriarca, residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Bayombong Municipal Police Station, binabagtas ng truck ang southbound to northbound lane patungong Tuguegarao City nang bigla itong lumihis at napunta sa kabilang linya.
Dahil dito, nasalpok nito ang isang poste ng NUVELCO bago tuluyang bumulusok sa isang bakanteng lote.
Bunga ng insidente, apat na poste ng kuryente ang natumba at bumagsak sa national highway na nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.
Sa kabutihang-palad, hindi nasaktan ang driver at ang kasama nito.
Inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala sa truck at mga poste ng kuryente.
Patuloy namang nagsasagawa ng traffic assistance at imbestigasyon ang mga tauhan ng Bayombong Police, katuwang ang Land Transportation Office (LTO) at NUVELCO.











