--Ads--

Iginiit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) na personal na nakilala ng mga guwardiya ang isa sa mga suspek sa panloloob at pagnanakaw ng mga ore samples sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte.

Kinilala ang suspek sa alyas na JB, 48-anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Zigzag Oyao, Dupax del Norte.

Naganap ang insidente bandang alas-7:30 ng gabi noong Linggo, Nobyembre 15, nang pasukin ng tinatayang 20 armadong lalaki ang bahay ng isang residente sa Sitio Keon, Barangay Bitnong.

Tinutukan umano ng mga suspek ang apat na guwardiyang naka-duty bago tinangay ang tinatayang 20 sa 68 kahon ng ore samples, gayundin ang cellphone ng isa sa mga guwardiya.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Junia Bogbog, Information Officer ng NVPPO, sinabi nitong nakilala ng mga guwardiya ang isa sa mga suspek na kalaunan ay natunton sa kahabaan ng highway sa Barangay Bitnong sa isinagawang hot pursuit operation.

Sa follow-up operation ng pulisya katuwang ang mga security personnel ng Woggle Corporation, sinundan ng mga awtoridad ang mga bakas ng gulong na nagdala sa kanila sa lugar malapit sa sakahan ng suspek sa Barangay Oyao.

Dito natagpuan at narekober ang 12 sako ng hinihinalang ore samples, na may tig-kalahating sakong laman, gayundin ang anim na kahon ng ore samples.

Saklaw ng isang resolusyon ng korte kaugnay ng implementasyon ng Writ of Preliminary Injunction (WPI) ang mga naturang ore samples. Nakasaad umano rito na dapat kunin ng sheriff, sa tulong ng Philippine National Police (PNP), ang mga ito mula sa lugar at dalhin sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang kasamahan ng suspek na nakatakas.

Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) noong Pebrero 2026 ang exploration permit ng Woggle Corporation dahil sa mga kondisyong may kaugnayan sa force majeure, kabilang ang mga harang sa daan at usapin sa kaligtasan at kaayusan sa lugar

Ang naturang mining exploration project ay matagal nang kinakaharap ang pagtutol ng ilang residente at anti-mining groups dahil sa pangambang maapektuhan ang kanilang mga sakahan, pinagkukunan ng tubig at kapaligiran.