--Ads--

Muli umanong suriin ng Myanmar ang magiging ugnayan nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) matapos batikusin ni President Min Aung Hlaing ang umano’y hindi patas na pagtrato ng regional bloc sa kanilang bansa.

Sa kanyang talumpati sa Parliament noong Miyerkules, Nobyembre 18, sinabi ni Min Aung Hlaing na hindi makatarungan ang naging pahayag ng ASEAN hinggil sa kawalan ng sapat na progreso ng Myanmar sa pagpapatupad ng 5-point peace agreement.

Giit ng lider, hindi umano kumakatawan sa pagkakaisa ng lahat ng miyembrong bansa ang naturang pahayag at sumasalamin lamang sa personal na pananaw ng ilang lider.

Sa kabila nito, tiniyak niyang magpapatuloy ang Myanmar sa pakikipag-usap sa mga indibidwal na miyembro ng ASEAN.

--Ads--

Matatandaang patuloy na nakararanas ng kaguluhan ang Myanmar mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021 mula sa administrasyon ni Aung San Suu Kyi, na nagbunsod ng malawakang protesta at armadong labanan.

Sa katatapos lamang na ASEAN Summit sa Pilipinas, muling iginiit ng mga lider ng rehiyon na hindi pa sapat ang nagawa ng Myanmar upang maipatupad ang kasunduang pangkapayapaan at hinimok ang lahat ng panig na itigil ang karahasan at pag-atake sa mga sibilyan.