Posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng baboy sa Pilipinas sa unang quarter ng 2027 dahil sa ipinatupad na 60-day restriction sa pag-aangkat ng ilang pork products, ayon sa United States Department of Agriculture o USDA.
Ayon sa USDA, mas mararamdaman ang epekto ng restriksyon mula huling bahagi ng Enero hanggang unang bahagi ng Marso 2027, dahil inaasahang bababa ang pagdating ng mga imported na produktong baboy sa bansa.
Dahil dito, kailangang mapataas ng Pilipinas nang hindi bababa sa 14% ang lokal na produksyon ng baboy upang matugunan ang pangangailangan ng merkado.
Matatandaang ipinatupad ng Department of Agriculture ang naturang restriksyon upang protektahan ang lokal na industriya ng paghahayupan na umano’y nakararanas ng matinding pinsala dahil sa pagdami ng inaangkat na produktong baboy.
Saklaw ng restriksyon ang sariwa at pinalamig na karne ng baboy, kabilang ang mga lamang-loob gaya ng atay.







