--Ads--

Nasawi ang isang 13-anyos na binatilyo matapos magulungan ng isang kuliglig na may kargang mga buko sa Villaverde, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Nelson Toquero, Acting Chief of Police ng Villaverde Police Station, naganap ang insidente dakong alas-4:50 ng hapon sa tapat ng isang paaralan sa Provincial Road ng nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon, pauwi na sana ang driver at mga sakay ng kuliglig matapos bumili ng mga buko sa Solano nang mahirapan itong umakyat sa bahagyang pataas na bahagi ng kalsada.

Dahil dito, bumaba ang tatlong sakay upang tulungan at itulak ang sasakyan. Nang umandar na ang kuliglig, muli silang sumampa sa trailer. Gayunman, nadulas ang paa ng 13-anyos na biktima habang sumasampa sa kanang bahagi nito dahilan upang siya’y mahila ng gulong at magulungan ang kaniyang katawan.

--Ads--

Agad na rumesponde ang mga rescuer at dinala ang biktima sa Municipal Health Office, subalit idineklara itong dead on arrival.

Nabatid na 22-anyos ang driver ng kuliglig na kalugar at kakilala rin umano ng biktima.

Samantala, sinabi ni Toquero na nairefer na sa Provincial Prosecutor’s Office ang kaso. Pansamantalang pinalaya ang driver matapos magkaroon ng paunang kasunduan ang magkabilang panig na magtulungan sa mga gastusin para sa burol ng biktima.

Pinaalalahanan naman ng opisyal ang publiko, partikular ang mga motorista, na laging mag-ingat at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente.