--Ads--

Ginawaran ng Plaque of Appreciation ng Social Security System (SSS) – Luzon North 2 Division ang Bombo Radyo Cauayan at Bombo Radyo Tuguegarao bilang pagkilala sa suporta at pakikipagtulungan ng himpilan sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa mga programa at serbisyo ng ahensya.

Isinagawa ang paggagawad sa Media Appreciation Event 2026 na ginanap sa Cauayan City, Isabela ngayong November 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting Vice President Marites Dalope ng SSS Luzon North 2 Division, layunin ng aktibidad na kilalanin ang mga media partner na tumutulong sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kahalagahan ng social security, gayundin sa pagbibigay-impormasyon sa mga miyembro at employer hinggil sa kanilang mga karapatan, responsibilidad at benepisyo.

Nagpasalamat naman si Dalope sa dalawang himpilan sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa ahensya at sa paghahatid ng makatotohanan at makabuluhang impormasyon sa publiko.

--Ads--