--Ads--

Itinuturing ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan na malaking bentahe ang pagho-host ng lungsod sa dalawang araw na Philippine Summit na gaganapin sa Isabela Convention Center sa Barangay Tagaran, ngayong Nobyembre bente-singko hanggang bente-sais.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallilin, sinabi nitong layunin ng aktibidad na pagsamahin ang pangangalaga sa kalikasan at ang pagpapaunlad ng ekonomiya sa antas ng lokal na komunidad.

Dagdag pa niya, nais patunayan ng summit na hindi kailangang isakripisyo ang kapaligiran upang umunlad, at maaaring makabuo ng kabuhayan sa pamamagitan ng turismo at sining kung magtutulungan ang gobyerno, pribadong sektor, at komunidad.

Binibigyang-diin din sa aktibidad ang pagsuporta sa mga lokal na talento, sining, disenyo, at kultura gaya ng paghahabi, musika, pelikula, at mga likhang-kamay bilang makina sa paglikha ng trabaho.

--Ads--

Malaking tulong din umano ito upang maipakilala ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs sa Cauayan ang kanilang mga produkto at serbisyo sa mas malawak na merkado.

Inaasahang dadalo sa nasabing pagtitipon si House Speaker Bojie Dy, walong cabinet secretaries, mga kinatawan mula sa kongreso, mga pamahalaang panlalawigan at panlungsod mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at mga delegado mula sa lalawigan ng Cagayan.