--Ads--

Siyam na turista ang nahulog sa ilog matapos bumigay ang isang kable ng hanging bridge sa Barangay Zabali, Baler, Aurora, habang tumatawid ang mga ito noong Biyernes, November 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Reynante Mapindan, sinabi nitong tinatayang 15 katao ang nasa tulay nang mangyari ang insidente.

Ayon sa opisyal, hindi naman tuluyang bumagsak ang buong tulay dahil isang kable lamang sa itaas na bahagi nito ang napigtal dahilan upang sumakabilang gilid ang istruktura.

Hinala ni Mapindan na posibleng dulot ito ng katagalan at pagkasira ng kable na hindi pa napapalitan, bagama’t naipaayos na umano noon ng Provincial Government ang ilang bahagi ng tulay, partikular ang mga bakal at kable sa platform.

--Ads--

Kinumpirma rin ng opisyal na siyam na katao ang nahulog sa ilog habang ang iba ay nakahawak sa natitirang kable.

Dalawa naman ang nagtamo ng mga gasgas at iba pang minor injuries, isang babae at isang lalaki.

Agad namang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, kapulisan at mga opisyal ng barangay upang tulungan at sagipin ang mga biktima.

Nilinaw ni Mapindan na pawang mga turista mula sa Cabanatuan City ang mga nasangkot sa insidente.

Anya, isa ang hanging bridge sa mga dinarayong tourist attractions sa Baler at nagsisilbi rin itong shortcut ng mga tumatawid mula sa kabilang bahagi ng ilog patungo sa poblacion.

Dahil dito, pansamantala munang isinara ang naturang tulay habang may alternatibong kalsada namang maaaring daanan ng mga residente at turista.

Gayunman, ilan sa mga estudyanteng nag-aaral sa high school sa kabilang bahagi ng ilog ang kinakailangang maglakad nang mas malayo kasunod ng pagsasara nito.

Tiniyak naman ng opisyal na nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan at tourism office upang mapag-usapan ang agarang pagsasaayos ng hanging bridge.

Ayon pa kay Mapindan, ngayon lamang nangyari ang ganitong insidente sa naturang tourist attraction.