Ipinamalas ni Miss Philippines Bea Millan-Windorski ang mayamang kultura at tradisyon ng Cordillera region sa pamamagitan ng kaniyang national costume sa Miss Universe 2026 na ginanap sa Puerto Rico.
Ang kaniyang kasuotan na tinaguriang “Diwa ng Kordilyera” ay hango sa mayamang kultura at katutubong tradisyon ng Kalinga at Mountain Province, na tampok ang mga tradisyunal na disenyo, masining na beadwork at elementong Banga Salidsid.
Ayon kay Millan-Windorski, hindi lamang layunin ng naturang kasuotan na ipakita sa international stage ang husay at talento ng mga Pilipinong manggagawa, kundi bigyang-pugay rin ang katatagan at lakas ng kababaihang Cordilleran.
Bitbit din ng kaniyang national costume ang adbokasiya na pangalagaan ang mga pinagkukunan ng tubig at tiyakin ang pagkakaroon ng malinis at maaasahang suplay ng tubig sa bawat komunidad.
Sa kaniyang Instagram post, sinabi ng beauty queen na ipinagmamalaki niyang maibahagi sa buong mundo ang bahagi ng kulturang Pilipino.
Inilarawan din niya ang kasuotan bilang representasyon ng pagkakakilanlan, pamana at adbokasiya ng mga Pilipino na nais niyang dalhin sa buong paglalakbay niya sa Miss Universe.
Dinisenyo naman ang naturang national costume ng fashion designer na si Anthony Ramirez.











