--Ads--

Inaasahang makakauwi sa Pilipinas sa Huwebes, Nobyembre 26, ang 19 na Pilipinong tripulante ng lumubog na LPG tanker na MT Gas Husky matapos maisaayos ang kanilang travel documents.

Kasalukuyang nanunuluyan sa isang hotel sa Varna, Bulgaria ang mga marino habang hinihintay ang kanilang flight pauwi.

Ayon kay Labor Attache Marietta Dela Cruz, nasa maayos na kalagayan ang mga tripulante, habang nagpapagaling naman ang dalawang nasugatan matapos malapatan ng lunas sa ospital.

Sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW), Migrant Workers Office (MWO)-Budapest, Philippine Embassy sa Bucharest, shipowner at manning agency, naasikaso ang kanilang emergency travel documents at repatriation assistance upang matiyak ang ligtas na pagbabalik sa Pilipinas.

--Ads--