--Ads--

Limang katao ang nasawi matapos bumangga ang isang liquefied petroleum gas (LPG) tanker sa konkretong harang ng Kokhraj Toll Plaza sa distrito ng Kaushambi, Uttar Pradesh, India noong Hunyo 26.

Batay sa kuha ng CCTV, nawalan umano ng kontrol ang tanker bago sumalpok sa harang ng toll plaza, na naging sanhi ng malawakang pagtagas ng LPG. Makalipas ang halos dalawang minuto, nagliyab ang tumatagas na gas at nagdulot ng malakas na pagsabog at sunog na tumupok sa malaking bahagi ng toll plaza.

Kabilang sa mga nasawi ang drayber ng tanker at apat na empleyado ng toll plaza. Umabot sa lima ang bilang ng mga namatay matapos pumanaw sa ospital ang isa sa mga sugatang biktima habang ginagamot.

Ilang iba pang katao ang nagtamo ng matitinding paso at pinsala dahil sa insidente. Nasunog din ang 16 na motorsiklo at dalawang sasakyan na nakaparada malapit sa toll plaza.

--Ads--

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente. Sinusuri rin nila ang mga CCTV footage upang matukoy kung ano ang naging dahilan ng pagkawala ng kontrol ng LPG tanker bago ang trahedya.