--Ads--

Nagsasagawa na ng inventory ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga lugar na madalas makaranas ng pagbaha sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda at pagpapabilis ng pagtugon ng pamahalaan sa naturang problema.

Ayon kay DPWH Undersecretary for Special Concerns Charles Calima Jr., nagsasagawa na rin ng debriefing at paghahanda ang kanilang task force kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

Bukod sa inventory ng mga flood-prone areas, nagpapatupad din sila ng cyber patrol upang masubaybayan ang mga ulat at impormasyong lumalabas sa social media hinggil sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha.

Tiniyak ni Calima na agad silang magpapadala ng mga tauhan sa mga lugar na nangangailangan ng aksyon kahit wala pang pormal na kahilingan mula sa mga alkalde o kongresista.

--Ads--

Ito ay alinsunod sa direktiba ni DPWH Secretary Manny Lopez na huwag nang hintayin pang humiling ng tulong ang mga lokal na opisyal at agad na kumilos sa sandaling matukoy na may lugar na binabaha.

Ibinahagi rin ng opisyal na pinag-aaralan nilang magtalaga ng mga tauhan sa mismong mga lugar na kanilang nasasakupan upang mas mabilis na matugunan ang mga problemang may kaugnayan sa pagbaha, sa halip na magmula pa sa ibang bayan ang mga rerespondeng crew.

Samantala, sinabi ni Calima na mayroon nang mga lugar na matagumpay na natugunan ang problema sa pagbaha, habang sa ibang lugar naman ay nabawasan na ang lalim ng tubig mula baywang hanggang tuhod.

Gayunman, aminado ang opisyal na hindi sapat ang kagamitan at resources ng pamahalaan upang tugunan ang lahat ng pangangailangan kaya mahalaga rin ang tulong ng mga pribadong sektor at iba pang ahensya.

Binigyang-diin niya na hindi lamang responsibilidad ng DPWH ang paglutas sa problema sa pagbaha kundi nangangailangan ito ng pagtutulungan ng buong pamahalaan at ng pribadong sektor.