Sinimulan na ang pagpapalawig at pagsasaayos ng mga drainage system sa ilang flood-prone areas sa iba’t ibang barangay sa Cauayan City bilang bahagi ng maagang paghahanda sa posibleng pagbaha ngayong nalalapit na ang tag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, layunin ng proyekto na mapabilis ang pagdaloy ng tubig-ulan at maiwasan ang matinding pagbaha na madalas maranasan ng ilang residente tuwing may malalakas na pag-ulan.
Sinabi rin ng kagawad na kabilang sa mga prayoridad na lugar ang mga bahagi ng barangay na madalas bahain at nagdudulot ng abala sa mga residente at motorista.
Aniya, mahalagang maagapan ang problema bago pa man dumating ang sunud-sunod na pag-ulan.
Dagdag pa niya, katuwang ng barangay ang iba’t ibang tanggapan at mga residente upang matiyak na magiging maayos ang implementasyon ng proyekto.
Patuloy rin umano nilang hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga kanal at drainage upang maiwasan ang pagbabara.











