Nasungkit ng isang dating irregular student ng Isabela State University (ISU)–Echague Campus ang Rank 2 sa November 2026 Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination (ABELE), matapos malampasan ang mga pagsubok sa kaniyang anim na taong paglalakbay sa kolehiyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Carlo Mamaril, Rank 2 sa naturang pagsusulit, sinabi niyang hindi niya inaasahang makakapasok sa hanay ng mga topnotcher dahil ang pangunahing layunin lamang niya ay makapasa. Laking gulat na lamang niya nang makita ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga nanguna.
Nagsimula siyang magkolehiyo noong 2020 sa gitna ng pandemya at nakaranas ng incomplete grades at failed subjects. Gayunman, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang kaniyang pangarap hanggang sa makapagtapos matapos ang anim na taon.
Samantala, ibinahagi niyang isa sa naging hamon niya sa halos limang buwang review season ang kawalan ng fixed study schedule, kung saan may mga araw na isa hanggang dalawang oras lamang siyang nag-aaral at may pagkakataon ding hindi nakakapag-review.
Nakatulong naman umano ang review center upang magkaroon siya ng maayos na study structure.
Lubos ding ikinatuwa ng kaniyang mga magulang ang resulta, habang kinilala niya ang kaniyang pamilya, mga kaibigan, kasintahan at ang Diyos bilang pangunahing inspirasyon upang magpatuloy.
Sa ngayon, nais muna niyang namnamin ang tagumpay bago maghanap ng trabaho upang magamit ang kaniyang kaalaman sa pagtulong sa mga magsasaka sa bansa.
Paalala naman niya sa mga future examinees na pairalin ang quality over quantity, huwag kalimutan ang sapat na pahinga at samahan ang pananampalataya ng pagkilos dahil hindi kailangang maging perpekto upang maabot ang pangarap, kundi ang patuloy na pagsisikap sa kabila ng mga pagsubok.







