--Ads--

Iminungkahi ng isang kinatawan ng Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) na pag-aralan ang pagpapataw ng excise tax sa kape kasunod ng pagbaba ng koleksiyon ng buwis mula sa wine at fermented liquor.

Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means nitong Miyerkules, sinabi ni DSAP representative Olivia Limpe-Aw na halos nasa pinakamataas na antas na ang pagbubuwis sa industriya ng alak.

Aniya, nagbabago na ang nakagawian ng mga mamimili, partikular ang mga kabataang mas pinipili ang kape kaysa alak.

Batay sa datos ng Department of Finance, bumaba ng 24.8 porsiyento ang koleksiyon ng excise tax mula sa locally manufactured wine nitong Enero hanggang Setyembre kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, habang 0.2 porsiyento naman ang ibinaba sa fermented liquor.

--Ads--

Gayunman, pabirong tinanggihan ni House Ways and Means Committee Chairperson Miro Quimbo ang mungkahi at sinabing unahin muna ang talakayan sa pagbubuwis sa mga produktong alkoholiko.

Matatandaang noong Setyembre, iminungkahi rin ng ilang mambabatas ang pagpapataw ng excise tax sa 3-in-1 coffee at flavored fermented milk dahil sa mataas na sugar content ng mga ito.

Gayunman, ipinaliwanag ng Department of Finance na inalis muna sa panukala ang flavored milk dahil ginagamit ito sa mga nutrition program ng pamahalaan, habang kinonsidera rin ang paggamit ng mahihirap sa 3-in-1 coffee.